MANILA, Philippines — Sinintensyahan na ng korte ngayong Martes ang 12 Tsinong mangingisda na sinadsad ang barkong pangisda sa Tubbataha Reef nitong nakaraang taon.
Aabot hanggang 12 taon na pagkakakulong ang hatol ng Palawan Regional Trial Court sa kapitan ng barko na si Liu Chiangjie, habang hanggang 10 taon ang sintensya sa 11 tauhan niya.
Dagdag ng korte na nilabag ng mga Tsinong mangingisda ang section 27 ng Republic Act 10067 kung saan idinedeklara nitong protektadong lugar ang mga bahura.
Inaresto ang mga mangingisda noong Abril 2013 matapos sumadsad ang kanilang barko sa UNESCO Heritage site.
Tinatayang aabot sa 4,000 metro kwadradong bahura ang nasira, ilang linggo matapos din itong masayaran ng US Navy minesweeper USS Guardian.
Bukod sa multa, may hiwalay na kaso pa ang mga mangingisda dahil sa umano'y panunuhol sa ilang opisyal ng gobyerno.