Payroll hinoldap, suspect arestado

MANILA, Philippines - Arestado ang isang lalaki na suspek sa panghoholdap sa perang pampasweldo ng isang kompanya  sa Caloocan City.

Nakilala ang nadakip na si Gario Antiga, 29, ng Purok 5 Dagat-dagatan, ng naturang lungsod.  Pinaghahanap naman ang nakatakas na kasamahan nito na kinilalang si Allan Libusada, 47-anyos, ng Tuna st., ng naturang lungsod.

Sa naantalang ulat ng Caloocan Police, alas-9:30 ng gabi, nagpapasahod ang foreman na si Rodolfo Espares sa tapat ng kanilang kompanya sa A. De Jesus st., Grace Park nang tutukan ng baril ni Atiga habang nagsilbing look-out naman si Libusada.

Puwersahang kinuha ng mga suspek ang pampasahod na aabot sa halagang P19,000 at nagmamadaling tumakas.  Hindi nawalan ng loob si Espares na sinundan ang mga suspek kasama ang ibang empleyado hanggang sa makakita ng nagpapatrulyang pulis at humingi ng saklolo.

Hinabol ng mga awtoridad ang dalawang suspek hanggang sa tuluyang makorner si Atiga habang nakaalpas ang kasamahan nito.  Narekober sa suspek ang bag na naglalaman ng payroll money at kalibre .38 baril.

Show comments