MANILA, Philippines - Isa ang nasawi habang apat katao ang nasugatan matapos maatrasan ng isang 14-wheeler truck na may kargang buhangin ang pitong sasakyan sa Taguig City, kahapon ng umaga.
Kaagad na nasawi ang isa umanong Rolito Marques, alyas Eboy, pahinante ng isang naatrasang Elf Truck (TKL-521).
Samantala, ang apat pang sugatang biktima ay isinugod sa Ospital ng Makati.
Sa inisyal na report na natanggap ng Taguig City Police, alas-6:00 ng umaga, ipinarada umano ng hindi pa nakilalang driver ng isang 14-wheeler truck (UNE-539) sa pataas na bahagi ng C5 Road malapit sa Market-Market ng naturang lungsod ang sasakyan na may kargang buhangin. Nasiraan umano ito kung kaya’t iniwan muna ito ng driver at pahinante para ipahatak.
Gayunman, aksidenteng bumulusok at naatrasan ang pitong sasakyan kabilang ang Toyota Innova (NQM-407); Fuso Truck (WSU-554); Toyota Vios (taxi) (UVY-860); Hyundai Accent (taxi) (UPP-876); Nissan Sentra (taxi) (TXP-314); Mitsubishi Mirage (UOK-417) at isang Elf Truck na minamaneho ng nasawing si Marques.
Nabatid na nagliyab pa ang unahang bahagi nang naatrasang truck na may karga namang mga salamin.
May hinala ang mga awtoridad, na hindi nai-handbrake ang truck, na ayon sa mga saksi ay mabilis na bumulusok at huminto na lamang umano ang pag-atras nang tumagilid ito at bumangga sa isang malaking pader.
Hindi na mahagilap ang driver at pahinante ng naturang truck habang nagdulot ng matinding trapiko sa bahagi ng C5 Road ang insidente.