MANILA, Philippines - Pansamantalang ban sa Pilipinas ang pag-import ng hog products mula sa Jiangsu China matapos makumpirmang may outbreak ng foot and mouth disease (FMD) sa Zhoutang village sa Yingtan.
Sa ilalim ng ng Memorandum Order No. 13, Series of 2014 na nilagdaan ni Agriculture Secretary Proceso Alcala, inutos nito ang agarang suspension ng pag proseso, pag-evaluate ng mga aplikasyon at issuance ng import permits ng hog products.
Inatasan din ni Alcala ang lahat ng DA veterinary quarantine officers/inspectors sa lahat ng mga pangunahing daungan na kumpiskahin at pigilan ang lahat ng FMD-prone animals mula sa Jiangsu at iba pang kahalintulad na produkto papasok ng ating bansa para maingatan ang kalusugan ng taumbayan.
Sa ulat ni Dr. Zhang Zhonqui ng China Animal Disease Control Center na ang FMD virus ay naka-infect sa isang piggery farm sa Lianghong Company, Sihong, Suquian, Jiangsu, China.Ang FMDV Serotype A outbreak ay kinumpirma ng Lanzhou Veterinary Research Institute, Office International des Epizooties (OIE) reference laboratory sa pamamagitan ng virus isolation.
Iniulat naman ng BAI-Quarantine Service na walang accredited Chinese hog product importers sa bansa kayat wala silang naipalalabas na import permits ang tanggapan.
Kaugnay nito, sinabi ni BAI Assistant Director Dr. Simeon Amurao ang ban ay dagdag sa kasalukuyang ban sa importation ng fresh frozen at processed meat at live animals mula sa China na pinaghihinalaang may FMD dahil sa pagkakaroon ng naturang virus sa ibang bahagi ng China.
Sa ngayon ang Pilipinas ay nananatiling FMD-free country sa Southeast Asia.