MANILA, Philippines - Binago ng Department of Health ang sistema sa pagkuha ng blood samples sa new born babies upang higit na maging epektibo.
Kung dati ay nagagawa ang NBS sa pagitan ng 48 hanggang 72 araw, ngayon ay dapat na magawa umano ito sa loob ng 24 oras upang kaagad na malunasan ang mga karamdamang posibleng taglay ng isang sanggol, tulad na lang ng Maple Syrup Urine Disease (MSUD).
Ang desisyon ay kasunod ng ulat na patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga namamatay dahil sa MSUD, sa kabila ng napasama na ito sa NBS Panel of Disorders mula noong 2012.
Sa pag-aaral ng DOH, lumalabas na ang pagkamatay ay dahil sa pagkaantala ng Newborn Screening sa sanggol.
Binigyang-diin ng DOH na ang pagbibigay ng lunas sa mga MSUD patients ay hindi dapat maantala dahil sa maaari itong magresulta ng kumplikasyon.
Upang mailigtas umano ang isang pasyente ng sakit ay kinakailangang agaran itong maisailalim sa peritoneal dialysis.
Batay sa ulat, lumilitaw na ang mga pasyenteng may MSUD ay karaniwang nakikitaan ng mga sintomas ng lethargy, pagsusuka, pagiging iritable, seizures, at pagka-coma at maaaring magresulta ng brain damage at posibilidad ng mental retardation kung hindi magagamot.