MMDA chief nag-sorry sa bantang pagposas sa DPWH engineer

MANILA, Philippines - Dahil sa maanghang na salitang binitawan, humingi ng paumahin kahapon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito’y matapos magbanta si Tolentino na poposasan at itatali si DPWH District Engineer Wilfredo Mallari sakaling ituloy nito ang road project sa Sucat Interchange na walang abiso at koordinasyon sa MMDA.

Noong Miyerkoles ay sinermunan ni Tolentino si Mallari at pinigilan nito ang nakatakdang dry-run ng DPWH hinggil sa pagsasara ng naturang lugar para bigyan daan ang isasagawang rehebilitasyon ng ahensiya sa isang tulay dito.

Matatandaang nagpalabas ng abiso ang Skyway Corporation at DPWH na isasara nila ang ilang bahagi ng South Luzon Expressway (SLEX), partikular sa Sucat Interchange na nasasakupan ng Parañaque hanggang sa hurisdiksiyon ng Muntinlupa City.

Dapat sanang magsisimula ang dry-run noong Hulyo 31 at matatapos sa Setyembre. Subalit, pumalag ang MMDA dahil wala aniyang koordinasyon ito sa kanila kaya hindi natuloy ang pagsasara ng naturang lugar.   

Samantala, nag-abiso na rin si Tolentino sa lahat ng mga motoristang magtutungo sa Southern Metro Manila na babagtas ng SLEX dahil sa inaasahang pagbibigat ng trapiko sa susunod na linggo at magsasabay na proyekto sa Magallanes Interchange at Skyway 3.

 

Show comments