MANILA, Philippines - Full blast na ngayon ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos lumipat dito ang limang malalaking international airlines mula sa NAIA Terminal 1 na tinaguriang ‘worst airport’.
Sinabi ni Connie Bungad, tagapagsalita ng Manila International Airport Authority (MIAA), ngayong araw magla-landing at aalis pabalik sa port of destination ang dalawang flights ng Delta Airlines. Kagabi ay dumating sa bansa ang Delta flight 629 at 473 galing US.
Ang KLM Royal Dutch Airlines ay lilipat sa nasabing paliparan sa Agosto 4 samantala ang Emirates Airlines ay sa Agosto 15 at sa Sept. 1 ay lilipat din ang operasyon ng Singapore Airlines. Sa susunod na linggo ay ang operasyon ng Cathay Pacific Airways.
Gayunman, magdadagdag ng mga tauhan sa NAIA 3 ang Bureau of Customs at Bureau of Immigration.