MANILA, Philippines - Tatangkaing pigilan ng oposisyon sa Senado ang posibleng paglilipat ng kulungan kina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Sa Senate Resolution 798 na inihain nina Sens. Tito Sotto at Gregorio Honasan, iginiit ng mga ito na dapat palawigin pa ang pananatili ng mga senador sa Philippine Custodial Center sa Kampo Crame.
Kinontra ng dalawang senador ang hirit ng prosekusyon na ilipat ang tatlo sa Camp Bagong Diwa sa Taguig habang dinidinig pa ang kasong plunder.
Ayon sa resolusyon mas makakabuting manatili sa Crame ang mga senador upang magkaroon pa rin sila ng espasyo at magampanan ang kanilang trabaho bilang mga senador habang nililitis ang kanilang kaso sa Sandiganbayan.
Binanggit nina Sotto at Honasan ang Section 14 Article 3 ng Konstitusyon na nakasaad na mananatili pa ring inosente ang mga akusado hangga’t hindi napapatunayang nagkasala at wala pang pinal na desisyon ang korte.
Nahaharap sa kasong plunder ang tatlong senador matapos maakusahan na tumanggap ng kickbacks mula sa kanilang Priority Development Assistance Funds (PDAF).
Una ng iginiit ng prosekusyon sa anti-graft court na mailipat sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang tatlo dahil hindi naman bilangguan ang pinagkulungan sa kanila sa Camp Crame.