MANILA, Philippines - Bukas na ang pintuan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para tumanggap ng aplikasyon para sa exemptions ng mga truck.
Sa ilalim ng memorandum circular number 2014-011, nakasaad dito na kung ang isang truck ay gamit ng may-ari nito para sa sariling negosyo ay hindi na kailangang kumuha ng franchise para dito bagkus ay exemptions lamang ang iaaplay sa LTFRB.
Kailangan lamang na magsumite ng kaukulang dokumento sa LTFRB tulad ng OR/CR ng sasakyan, valid business name mula sa DTI, business permit, sales invoice/delivery receipts/OR na nakapangalan sa aplikante, katunayan na ang produktong isasakay sa truck ay mula din sa may-ari nito, lokasyon ng pagdadalhan ng produkto at affidavit na ang naturang truck ay gamit sa pansariling negosyo.
Sa bawat LTFRB regional offices na kinaroroonan ng may-ari kailangang iaplay ang naturang exemptions.
Sa isang panayam, sinabi ni Engr. Ronaldo Corpus na layunin ng hakbang na maiwasan ang mga reklamo ng mga pangongotong sa mga truck owners na gamit lamang ang sasakyan sa pansariling negosyo.