MANILA, Philippines - Dahil sa tumitinding karahasan sa Libya, inilikas ang mga non-core staff ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli patungong Tunisia.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang mga non-core staffs ng Philippine Embassy ay ni-relocate sa Tunisia.
Sinabi ng DFA na una nang inilikas ang mga dependents o pamilya ng mga nasabing Embassy staffs noong nakalipas na linggo sa Tunisia.
Gayunman, ang mga lalaking officer at staff na itinalaga ng Rapid Response Team ay mananatili sa Tripoli upang tumutok sa isinasagawang repatriation sa mga OFWs bilang pagtugon sa ipinatutupad na alert level 4 o mandatory evacuation sa mga Pinoy sa Libya.
Samantala, may 30 Pinoy mula Libya ay nakatakdang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ngayong araw (Martes).
Nabatid na 24 Pinoy mula sa nasabing bilang ay darating dakong alas-4:00 ng hapon lulan ng flight QR 926 habang ang anim na OFWs ay lalapag ng alas-4:35 ng hapon sakay ng flight EK 332.
Nabatid na noong Hulyo 27, may 42 OFWs mula Libya ang dumating ng alas-10:10 ng gabi lulan ng flight EK 334 habang lima pang Pinoy ang nakauwi ng alas-4:35 ng hapon kahapon sakay ng flight EK 332.
Sa inaasahang pagdating ng mga OFWs ngayong araw, may kabuuang 708 bilang na ng mga Pinoy ang napauwi ng DFA mula Libya simula nang ipatupad ang sapilitang paglilikas.