MANILA, Philippines - Patay ang mag-asawang Pinoy habang 36 katao pa ang sugatan kabilang ang kanilang 13-anyos na anak nang manalasa ang tornado o buhawi habang nagka-camping ang mga biktima sa Cape Charles, Virginia, USA kahapon.
Kinilala ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasawing Filipino-American couple na sina Lord Balatbat at Lolibeth Ortega, kapwa 38-anyos ng Jersey City, New Jersey.
Sa ulat ng Virginia State Police, biglang nanalasa ang F1 tornado sa nasabing lugar at kabilang sa tinamaan ang Cherrystone Family Camping and RV Resort kung saan nagka-camping ang mga biktima sa Chesapeake Bay ng Northampton County kahapon (Huwebes sa US).
Minalas na nadaganan ng bumagsak na puno ang tent ng mag-asawa habang isa pang puno ang bumagsak sa hiwalay na tent ng kanilang anak. Ang nasabing bata ay isinugod sa Children’s Hospital at nasa kritikal na kondisyon.
Tumama ang buhawi at sinasabing may 1,300 katao ang nasa campground na may swimming pools, mini-golf, pier fishing, crabbing na maganap ang insidente.
Dahil sa matinding hangin, may 40 hanggang 50 puno sa park ang napabagsak nito at ilang sasakyan ang bumaligtad.