MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng dalawang babaeng senador na dapat i-account ni Budget Secretary Butch Abad kung saan napunta ang nawawalang P90 bilyong savings mula sa pinagsama-samang P237 bilyong pondo na naipon para sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Sen. Nancy Binay, bagaman at nalusutan ni Abad ang ginawang paggisa sa kanya ng Senate Committee on Finance kaugnay sa pondo ng DAP, hindi nangangahulugan na nakalusot na talaga ito.
Sinabi ni Binay na dapat ay mayroong managot sa nawawalang P90 bilyong savings ng gobyerno.
Dapat rin aniyang ipaliwanag ni Abad kung saan napunta ang pondo na inilaan para sa DAP.
“Dapat mayroong managot. Remember that this is the people’s money that we are talking about and there is still P90 billion missing in the government’s ‘savings’. Secretary Abad owes the Filipino people an explanation on where these funds went,” ani Binay.
Sinabi naman ni Sen. Grace Poe na hindi lamang ang DAP ang dapat i-account ng DBM kundi maging ang regular savings na nakukuha mula sa General Appropriations Act (GAA).
“Nakikita natin na marami tayong savings, marami tayong naipon, ang problema lang natin ay yung pinagkagastusan ng naipon natin, di lahat ay napunta sa tamang paraan. Dapat itong liwanagin,” ani Poe.
Umabot sa P237 bilyon ang pinagsama-samang savings ng gobyerno mula 2010 pero P167 billyon lamang ang napunta sa DAP.
Natuklasan rin sa hearing na isinagawa noong Huwebes na bagaman at P157 bilyon ang inapruhan ng gobyerno para sa mga panukalang proyekto sa ilalim ng DAP, nasa P144.3 bilyon lamang ang naipalabas.