Ika-3 impeachment vs PNoy inihain
MANILA, Philippines - Inihain na sa Kamara ang panibagong impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino.
Sumentro ang ikatlong reklamo sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) taliwas sa dalawang naunang complaint na tumukoy sa Disbursement Acceleration program (DAP).
Sa ilalim ng EDCA, pinapayagan ang pagbabalik ng mga base-militar ng Estados Unidos kasama ang ayudang pangdepensa para sa bansang nahaharap sa sigalot kontra China kaugnay ng West Philippine Sea.
Sa 68-pahinang reklamo, inaakusahan ang Pangulo ng paglabag sa Saligang Batas at pagtataksil sa tiwala ng taumbayan.
Iginigiit ng mga kontra sa EDCA na tila isinuko na ng pamahalaan ang Pilipinas para mapailalim sa militar ng Estados Unidos.
“Ang EDCA na pinasok ni Aquino ay lumalapastangan sa panuntunan ng Konstitusyon na nagbabawal sa pananatili ng dayuhang tropa at base militar, pati paglabas-masok ng kagamitang pangdigma kasama na ang mga sandatang nukleyar sa Pilipinas. Sa pagkandili niya sa EDCA, isinubo niya ang kababaihan at kabataan sa peligro ng prostitusyon at mga abusong seksuwal na laganap noong nandito pa ang mga base sa Clark at Subic. At ngayon, ipinagkakait ang hustisya sa mga biktima ng sundalong dayuhan, at ang mga salarin ay pinapatakas pa, katulad na nangyaring paglusot ni Lance Corporal Smith na nasakdal sa kasong rape kay Nicole,” ayon kay Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus na nag-endorso sa impeachment kasama si ACT party-list Rep. Antonio Tinio at iba pang grupo kabilang ang Bayan, Makabayan, Lila Filipina.
- Latest