MANILA, Philippines - Ang BDO Unibank, Inc. (BDO) ay pinangalanang Best Bank in the Philippines sa katatapos lamang na 8th Annual Alpha Southeast Asia Best Financial Institution Awards na siyang ikalimang sunud-sunod na pagkapanalo nito ng nasabing parangal mula noong 2010.
Bukod sa pinakamataas na karangalang ito, ginawaran din ang BDO ng Best Trade Finance Bank at Best FX Bank for Corporates & Financial Institutions ng Hong Kong-based investment magazine na Alpha Southeast Asia. Samantala, ang mga sangay na BDO Capital & Investment Corporation ay kinilala naman bilang Best Investment Bank sa bansa, ang ikawalong pagkakataon nitong mapanalunan ang parangal; ang BDO Private Bank bilang Best Private Wealth Management Bank sa ikapitong magkakasunod na taon. Ang naturang bangko ay kinilala rin sa pagkakaroon ng 3rd Best Senior Management IR Support at Most Organized Investor Relations.
Ang Alpha Southeast Asia ay ang una at natatanging institutional investment magazine na isinusulat para sa mga institutional investors, asset at fund management companies sa Hong Kong, Singapore, ibang bahagi ng Asia, US, Europe at Middle East, na hindi kadalasang lantad sa rehiyon gaya ng mga nasa North Asian economies.