DAP ideya ni Mabini - PNoy

Si Pangulong Aquino habang nagtatalumpati sa ika-150 kaarawan ng bayaning si Gat Apolinario Mabini sa Batangas kahapon kung saan ipinaliwanag niya ang ilang punto sa usapin ng Disbursement Acceleration Program o DAP na idineklarang iligal ng Korte Suprema. Nasa larawan din ang ilang miyembro ng Gabinete at local officials ng lalawigan. (Malacañang Photo)

MANILA, Philippines - Ginamit ni Pangulong Aquino ang ika-150 taong kaarawan ng baya­ning si Apolinario Mabini upang ipagtanggol nito ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema.

Sinabi ng Pangulo, maging si Mabini noong nakaupo ito sa gobyerno ni Emilio Aguinaldo ay isinulong ang konsepto ng DAP sa Malolos Congress kung saan ay dapat daw pabilisin ng ehekutibo ang paghahatid ng serbisyo-publiko.

Ayon kay Aquino, may 3 kaisipan si Gat. Apolinario Mabini na sinisikap isabuhay hanggang sa ngayon ng gobyerno.

Una ay ang kahalagahan ng mandato bilang pundasyon ng anumang gobyerno dahil ang lakas ng estado ay nagmumula sa mamamayan. Ikalawa ay ang pagpupunla ng konsepto ng serbisyo pampubliko sa pambansang kamalayan kung saan ay iginiit ng utak ng rebolusyon na walang sinumang may karapatang pagkakitaan ang kanyang posisyon sa gobyerno.

“Liliwanagin ko pong muli: Ang punto ng DAP ay ang pagdadala ng benepisyo sa taumba­yan sa pinakamabilis at tamang pamamaraan. Sinusulit natin ang kaban ng bayan, upang agarang ibsan ang pagdurusa ng Pilipino,” wika ng Pangulo.

Aniya, pinondohan ng DAP ang maraming proyektong nagbigay o patuloy na nagbibigay ng serbisyo sa taumbayan kahit natapos na ang pagpapatupad ng DAP tulad ng paglalaan ng P1.6 bilyon sa TESDA na nagresulta sa pagtatapos ng may 146,731 scholars kung saan ay 66 percent nito ang nagtatrabaho na.

Show comments