MANILA, Philippines – Dalawang dating kapitan ng barangay sa lungsod ng Makati ang naghain ng kasong pandarambong kay Bise-Presidente Jejomar Binay at kay Makati Mayor Junjun Binay sa Office of the Ombudsman.
Nag-ugat ang kasong inihain nina Atty. Renato Bondal at Nicolas Enciso VI sa umano'y overpriced na New Makati City parking building na nagkakahalaga ng P1.3 bilyon.
Nagmula ang pondo ng gusali sa first appropriation ordinance na inaprubahan ng nakatatandang Binay.
Lumabas sa datos ng National Statistics Office na P245.5 milyon lamang dapat ang halaga ng 11-palapag na gusali sa kalye ng F. Zobel, Poblacion, Makati City, malayo sa inaprubahang P1.56 bilyon.
Sinabi pa ng dalawang dating kapitan na labis ng P154 milyon ang naunang kinuhang pondo na P400 milyon.
Anim pang ordinansa para sa pondo ang inaprubahan ng konseho, kung saan kabilang ang nakababatang Binay, para sa pagpapagawa ng naturang gusali.
"The overpricing of the building project could not have been committed without a deliberate, systematic, and unconscionable raid of public funds designed by the Binays and the other respondents to defraud the people of Makati and gain personal profit in the process,” nakasaad sa reklamo.
"This parking building has become the most expensive parking building in the country, if not the entire world, and the Binays and the other respondents, should be held responsible for this act of wanton misuse and plunder of public funds.”
Bukod sa mag-ama kasama din sa inirereklamo ang mga dati at ngayo'y miyembro ng konseho, at Commission on Audit resident Auditor Cecile Cag-anan dahil sa “failing to exercise her sworn mandate to protect the city treasury of Makati from abuses."