MANILA, Philippines - Dahil sa matinding kahirapan sa bansa kaya umano bumaba ang trust rating ni Pangulong Aquino.
Ayon kay CBCP-NASSA executive secretary Father Edu Gariguez, bigo ang Pangulo na sugpuin ang matinding kahirapan na nararanasan sa bansa na bahagi ng kanyang ipinangakong “tuwid na daan”.
Tinukoy ng pari na maging ang “conditional cash transfer o CCT program” ng pamahalaan ay hindi epektibo para maibsan ang nararanasang kahirapan ng milyun-milyong Pilipino.
Pinuna rin ng pari ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila na walang nangyayaring pagtaas sa suweldo.
Iginiit ni Gariguez na dumadaing na ang sektor ng mahihirap kay Aquino na magkaroon naman ng malasakit sa kanilang dinaranas na kahirapan.
Base sa National Statistics Office, umaabot sa 7 porsiyento ang unemployment rate ng bansa at 25 milyong Filipino ang nabubuhay sa kitang P45 kada araw mula sa pag-aaral ng World Bank.