MANILA, Philippines – Nakahanap ng kakampi si Pangulong Benigno Aquino III kay Senador Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Hindi sumang-ayon si Escudero sa pahayag ni Senador Sergio Osmeña III na tumigas na ang ulo ng Pangulo matapos kuwestiyonin ang desisyon ng Korte Suprema na ideklarang hindi naaayon sa Saligang Batas ang ilang bahagi ng DAP.
Sinabi ni Osmeña na hindi malayong magkaroon ng constitutional crisis dahil sa pagkontra ni Aquino sa desisyon ng mataas na hukuman na plano pang hainan ng petisyo ng administrasyon.
Kaugnay na balita: PNoy sa SC: 'Tulungan n'yo kaming tulungan ang taumbayan'
"All these talk about constitutional crisis, whoever said that, it is unfounded and exaggerated," komento ni Escudero.
Kilalang magkaalyado sina Escudero at Osmeña na sumoporta sa kandidatura ni Aquino noong 2010.
Sinabi pa ni Escudero na nais lamang ng Pangulo na gawin ang tama para sa ikauunlad ng bayan.
Kaugnay na balita: PNoy: SC pinaralisa ang pag-lago ng ekonomiya
"We should stop being alarmists, it is not helping the situation."
Nitong Lunes ay hiniling ni Aquino sa Korte Suprema na baligtarin ang naunang desisyon at iginiit na nakinabang ang bayan sa pagpapatupad ng DAP mula noong 2011.
"Balikan ninyo ang desisyon na may pagsaalang-alang sa paliwanag ko. Tulungan ninyo kaming tulungan ang taumbayan," mensahe ng Pangulo. "Huwag n'yo sana kaming hadlangan.”