MANILA, Philippines - Isang heneral na naging tanyag bilang “warrior” ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napili ni Pangulong Benigno Aquino III bilang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala, si AFP Vice Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang ang inaprubahan ni PNoy bilang kahalili ni outgoing Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista.
Si Catapang at Bautista ay mag-mistah sa Philippine Military Academy (PMA) Dimalupig Class 1981.
Si Bautista ay nakatakdang magretiro bukas (Hulyo 18) o dalawang araw bago ang ika-56 taon nitong kaarawan.
Nabatid na si Catapang ay dating nagsilbi sa AFP-Northern Luzon Command bago pa man ito natalaga bilang Vice Chief of Staff o 2nd man ng AFP at pinakahuli ay nahirang naman bilang ika–45 Chief of Staff ng AFP.
Naging tanyag si Catapang sa paglaban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) partikular na noong Brigade Commander pa ito sa Central Luzon at hanggang maging hepe ng AFP Northern Luzon Command na siyang may hurisdiksyon sa Tarlac ang balwarte ng pamilya Aquino.
Ayon pa kay Zagala, maganda ang track record ni Catapang at suportado ng tropang militar ang pagkakatalaga rito bilang Chief of Staff.