MANILA, Philippines - Umaabot sa P40 milyong mga substandard o mahihinang klase ng bakal na umano’y ginagamit sa rehabilitasyon sa mga lugar na tinamaan ni Yolanda sa Visayas Region ang nasamsam ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa raid sa General Trias, Cavite nitong Miyerkules.
Ayon kay CIDG chief Benjamin Magalong, dakong alas-10 ng umaga nang isagawa ang raid kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) technical team sa Golden Gate Business Park, Brgy. Buenavista, General Trias.
“The sub-standard construction materials are being smuggled into the country from different ports and are eventually transported and sold in Yolanda-affected areas. Some of these products were held by the Bureau of Customs for misdeclaration but others made its way to the local market,” ani Magalong.
Isinilbi ang search warrant laban sa Steel Tower Corporation na pagmamay-ari ng mga negosyanteng Filipino-Chinese.
Nasamsam sa operasyon ang 16,000 piraso ng 8MM rolled steel bars, 600 toneladang angle bars na may sukat na 4.5 X 50X50, hindi sertipikadong GI wires substandard angle bars na may pekeng LSC logo at wala ring sertipikang unmarked roofing materials.
Noong Abril ay inirekomenda ni Secretary Panfilo Lacson kay DTI Secretary Gregory Domingo na gawing deputado ang PNP-CIDG upang magsagawa ng raid sa mga gumagawa ng nasabing mga substandard materials na ginagamit sa rehabilitasyon ng gobyerno sa mga lugar na pininsala ng Yolanda noong Nobyembre 2013.
Ito’y matapos na sumingaw ang mga substandard na materyales na ginagamit sa konstruksyon ng mga bunkhouses partikular na sa mga biktima ng super bagyo partikular na sa Leyte at Samar.