Gigi ikukulong sa Camp Bagong Diwa; Enrile mananatili sa PNP General Hospital
MANILA, Philippines - Pinapalipat na ng Sandiganbayan ang dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile na si Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes mula sa anti-graft court’s basement papunta sa Bicutan jail’s female dorm sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sa ipinalabas na commitment order ng Sandiganbayan 3rd Division, binalewala ng graft court ang kahilingan ng kampo ni Reyes na sa PNP Custodial Center siya ikulong.
Wala anyang valid reason na nakita ang graft court para pagbigyan ang request ni Reyes.
Ayon kay Atty. Dennis Pulma, clerk of court ng Sandiganbayan, sa Bicutan jail ikukulong si Reyes dahil mas maraming bilanggo ang maaaring ma-accommodate dito laluna kung mga babaeng preso.
Bunga nito, ang BJMP na lamang anya ang bahala kung saan maaaring maibilanggo si Reyes.
Niliwanag nito na sa PNP Custodial Center sa Kampo Krame nailagay sina Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla dahil may legal basis para doon idetine ang dalawang mambabatas na kapwa akusado sa plunder case.
Samantala, mananatili naman sa PNP General Hospital si Enrile.
Inutos ng Sandiganbayan na isailalim sa physical examination si Enrile upang matiyak kung kailangang mai-hospital arrest ang mambabatas.
Maaari rin umanong makapagpatingin si Enrile sa labas ng PNP hospital kung emergency cases lamang.
Nais ng Sandiganbayan na maireport sa kanila sa Lunes ng PNP General Hospital ang resulta ng physical exam na gagawin kay Enrile para malaman kung dapat nga itong ma-hospital arrest.
Samantala, takdang iprisinta ng prosekusyon sa pagdinig ng Sandiganbayan 5th division ang tungkol sa hiling na makapagpiyansa ni Sen. Jinggoy Estrada ang 24 mga saksi sa kaso kabilang sina Benhur Luy at dati nitong tauhan na si Ruby Tuason.
Ayon sa graft court, sa mga ihahayag ng naturang mga saksi malalaman kung karapat-dapat aprubahan ang motion to bail ni Estrada sa kasong plunder at graft na may kinalaman pa rin sa multi-billion pork barrel scam.
- Latest