MANILA, Philippines - Papasok ngayong araw ng Linggo ang isang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay Aldczar Aurelio, weather forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration, papangalanang Florita ang naturang bagyo kapag pumasok sa bansa.
Kahapon, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,410 kilometro mula sa silangan hilagang silangan ng Virac, Catanduanes.
Sinabi ni Aurelio na papasok lamang ang bagyo sa PAR pero hindi naman ito tatama sa kalupaan ng bansa pero maaari anya itong palakasin ng habagat na siyang magpapaulan sa bansa.
Patuloy naman anyang umiiral ang habagat sa Southern Luzon hanggang Mindanao kaya inaasahan na ang mga pag-uulan sa mga lugar na ito gayundin sa Bicol region at MiMaRopa areas.
Banayad naman hanggang sa paminsan minsang pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila dahil sa epekto ng habagat.