CLARK, Pampanga - Inamin ni Pangulong Aquino na ang pagiging convicted sa drug case ni superstar Nora Aunor ang naging hadlang para hirangin niya itong National Artist.
Sinabi ng Pangulo sa media interview matapos dumalo sa 67th anniversary ng Philippine Air Force (PAF) dito, bagama’t fan sila ng kanyang ama na si yumaong Sen. Ninoy Aquino Jr. ni Ate Guy ay mayroong batayan na dapat sundin sa pagtanghal ng national artist.
Kung papayagan umano niyang hirangin bilang National Artist si Aunor tila magkakaroon ng mensahe na ayos lamang ang paggamit ng illegal na droga.
“Na-convict po si Nora Aunor sa drugs at naparusahan at ang tanong ngayon dito, ‘pag ginawa ba nating national artist may mensahe ba akong maliwanag na sinasabi sa sambayanan,” sabi ni PNoy.
Wika pa ni PNoy, iginagalang nito at kinikilala ang naging ambag ni Aunor sa industriya subalit ang naging problema nito sa droga ang naging sagabal para hirangin niya itong national artist.
Giit ni PNoy dapat “zero tolerance’ pagdating sa illegal na droga at mali anya ang paggamit nito kahit kailan.