MANILA, Philippines - Kasunod ng deklarasyon ng Korte Suprema na ilegal ang Disbursement Acceleration Program (DAP), niluluto na ang isang impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino.
Ayon kay Kabataan partylist Rep. Terry Ridon, isa sa mga naghain ng petisyon laban sa DAP, ang desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP ay isa umanong matibay na batayan para gamiting ground sa impeachment na culpable violation of the constitution at betrayal of public trust.
Sa botong 13-0-1, idineklara kahapon ng mga mahistrado na unconstitutional ang DAP. Tanging si Associate Justice Teresita Leonardo-de Castro ang nag-inhibit sa pagboto.
“[The Supreme Court] voids three ‘acts and practices’ under the DAP, (National Budget Circular) No. 541 and related issuances,” ayon kay SC spokesman Theodore Te.
Kabilang sa mga tinukoy na unconstitutional ay kung hindi lehitimo ang savings na pinanggalingan ng pondo; cross-border transfer ng savings o ang pondo ay nailipat patungo sa ibang sangay ng pamahalaan at mga proyekto at programa na hindi sakop ng General Appropriations Act.
Idineklara ring ‘void’ ng korte ang paggamit ng unprogrammed funds kahit wala pang certification mula sa National Treasurer. Nilabag umano nito ang Section 25 ng Article 6 at doctrine of separation of powers.
Naglabas naman ng kani-kanilang hiwalay na opinyon ukol sa usapin sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justices Arturo Brion, Mariano del Castillo, Estela Perlas Bernabe at Marvic Leonen.
Taong 2011 nang simulang ipatupad ang DAP sa ilalim ng administrasyon bilang discretionary funds ni Aquino, na pinaniniwalaan ng ilan na pork barrel fund ng Pangulo.
Naging sentro ng kontrobersya ang DAP nang ibunyag ni Sen. Jinggoy Estrada sa kaniyang privilege speech na tumanggap ang mga mambabatas ng P50 milyon matapos ang impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona.
Depensa naman ni Budget Secretary Butch Abad, walang kinalaman ang DAP sa pagkakaalis sa pwesto ni Corona.
Paniwala ng mga naghain ng pagkontra, nilabag ng DAP ang eksklusibong kapangyarihan ng Kongreso sa paglalaan ng pondo.
Giit naman ng mga militanteng grupong nagpetisyon, dapat ding papanagutin ang nagpakana ng anila’y ‘presidential pork barrel’.
Handa ring mag-endorso si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares kapag may maghain ng impeachment complaint laban kay PNoy.
Naniniwala naman si Buhay partylist Rep. Lito Atienza, dapat na papanagutin ang utak sa pagbuo ng nasabing scam. Maituturing umano na pag-abuso sa kapangyarihan ang ginawa ng gobyerno ng gamitin nito ang savings ng Office of the President para sa impeachment ni Corona.
Tumanggi munang magbigay ng anumang komento ang Malacañang sa naging desisyon ng Korte na ideklarang ilegal ang DAP.
Hihintayin na lamang muna nila ang kopya ng desisyon bago sila maglabas ng pahayag.
Bukod sa impeachment kay Pangulong Aquino, ikinakasa na rin ang kasong malversation laban kay Abad. (Butch Quejada, Gemma
Garcia, Doris Borja at Rudy Andal)