16 kawani ng Batelec nagpositibo sa droga
LIPA CITY, Batangas – Umaabot sa 16-kawani ng Batangas Electric Cooperative (Batelec) II ang nag-positibo sa bawal na droga sa isinagawang mandatory drug testing ng kumpanya, ayon sa ulat kamakalawa.
Sa panayam kay Batelec General Manager Octave Mendoza, sa 500-kawani na sumailalim sa drug-testing, 14 ang nagpositibo sa shabu habang dalawa naman sa marijuana.
“Kailangan naming isagawa ang drug testing sa mga kawani para malinis ang kanilang hanay sa mga gumagawa ng labag sa batas at mai-professionalize ang aming work force,” ani Mendoza
Isinagawa ang drug testing sa mga kawani ng Batelec sa private medical polyclinic noong Mayo 2014 at lumabas ang resulta kamakalawa.
Bukod sa resulta mula sa private polyclinic, sumailalim din ang 16-kawani sa confirmatory test mula naman sa Department of Health kung saan nagpositibo rin ang mga ito.
Bagamat positibo sa drug test, patuloy pa ring nakapagtatrabaho ang 16-kawani hangga’t hindi pa sumasailalim sa binuong komite ng Batelec na didinig sa kanilang kaso.
Kapag napatunayan ng komite na gumagamit nga ng bawal na droga ang naturang mga empleyado, bibigyan sila ng tatlong buwan para magpa-rehabilitate sa duly accredited rehabilitation center.
Tumanggi namang pangalanan ni Mendoza ang mga kawaning sangkot sa paggamit ng droga para bigyan pa ng pagkakataong makapagbagong buhay.
Nilinaw naman ni Mendoza na isang beses lang binibigyan ng pagkakataong makapag-rehabilitate ang kanilang kawani at kapag nagpositibong muli sa droga ay hindi na tinatanggap sa trabaho.
Sa tala ng Batelec, dalawang kawani ang sinibak sa trabaho noong 2012 dahil sa paggamit ng bawal na droga.
Ang Batelec 2 ay pinakamalaking electric cooperative sa bansa na nagseserbisyo sa mga bayan ng San Juan, Taysan, Lobo, Rosario, Lipa, Malvar at marami pang ibang munisipalidad sa Batangas.
- Latest