Gazmin hindi daw magbibitiw

MANILA, Philippines - Hindi ako magre-resign!

Ito ang walang kagatol-gatol na tinuran kahapon ni Defense Secretary Voltaire Gazmin upang pasubalian ang lumabas na balita na magbibitiw na siya sa puwesto dahilan may iba ng napipisil si PNoy na pumalit sa kaniya sa puwesto.

Base sa lumabas na ulat, magbibitiw na umano sa puwesto si Gazmin dahilan pagod na at  matanda na ito upang bigyang daan ang pag-upo sa puwesto ni outgoing Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista.

“Kapag sinabing pagod ka na hindi na tama yun, ako’y may edad na pero malakas ako sa ordinaryong kaedad ko”, pahayag ng Kalihim.

Si Bautista, produkto ng Philippine Military Aca­demy (PMA) Class ’81 ay nakatakdang magretiro sa Hulyo 18, o dalawang araw bago ang ika-56 nitong kaarawan, ang mandatory age retirement ng mga heneral ng AFP.

Sinasabing si Bautista umano ang matunog na ipapalit ni PNoy kay Gazmin sa puwesto  dahilan malaki umano ang tiwala dito ng punong ehekutibo.

Nilinaw naman ni Gazmin na ang pananatili niya sa puwesto ay depende kay PNoy  kung nais nitong magpatuloy pa siya sa serbisyo publiko.

“Kung gusto niyang ipagpatuloy ko, ipagpapatuloy ko, kung sabihin niya na magresign ka na, magre-resign ako, salamat nga at ako’y nabigyan ng pagkakataon na maglingkod sa bayan”, ayon pa sa opisyal.

Show comments