MANILA, Philippines - Dahil sa darating na mga pagdinig sa pambansang badyet, iginiit muli ni Camarines Sur Rep. Wimpy Fuentebella ng Nationalist People’s Coalition ang mas malakas na proteksiyon para sa mga benepisyaryo ng “Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)”.
Pinuna ni Fuentebella na, isang taon na ang nagdaan mula nang maganap ang halalan noong 2013, hindi pa rin napaparusahan ang mga tao na naakusahang umabuso sa conditional cash transfer program ng pamahalaan.
Wala anyang naging ngipin ang pagsisikap noon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Commission on Elections (Comelec) na imbestigahan ang mga pang-aabuso sa 4Ps.
“Dapat magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation at criminal prosecution naman ang sa Department of Justice,” sabi pa ni Fuentebella. “Naniniwala akong merong nagpaplanong gamitin ang programa muli para isulong ang kanilang pampulitikang interes at lalong lumalakas ang loob ng mga nagsasamantala sa 4Ps dahil walang interes ang administrasyon na habulin ang mga nagkasala.”
Binanggit pa ni Fuentebella na lantarang idineklara noon ng aktor na si Aga Mulach na kandidato noon ng Liberal Party na ibinigay dito ni Pangulong Aquino at ni DSWD Secretary Dinky Soliman ang 4Ps program para tulungan ang pagtakbong kongresista ng actor laban kay Fuentebella.
Dalawang araw pagkaraan ng halalan noong 2013, pinabulaanan ni Soliman ang pahayag ni Mulach.
Ayon pa kay Fuentebella, ang kalituhan sa pamamahagi ng 4Ps ay nagdulot ng karahasan sa congressional district.
“Ang kapatid ko at ang iba pang mga opisyal sa aking bayan sa Tigaon ay naging hostage sa municipal building habang nagbibilangan. Pagkaraan ng dalawang araw, pinagbabato ng ilang mga tao ang gusali na nag-aakalang hinaharang naming mga Fuentebella ang ipinangako nilang benepisyo mula sa cash transfer,” sabi pa ni Fuentebella.
Sinabi pa ni Fuentebella na tutol sila sa paggamit sa 4Ps para sa kapakinabangan ng ilang pulitiko. “Sa madaling salita, kontra kami sa mga pekeng 4Ps.”