MANILA, Philippines - Hinikayat ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. ang mahigit sa anim na milyon magsasaka at kanilang pamilya na suportahan ang hakbang para sa pagtatatag ng anti-trust law upang maprotektahan sila mula sa monopolya ng mga dayuhan mula sa multi-billion pisong industriya ng tabako.
Giit ni Barzaga, sa sandaling maratipikahan at maisabatas ay magbibigay ito ng magkakatulad na lebel sa mga negosyo sa mga katulad na industriya.
Dagdag pa ng kongresista na mayroon pitong panukala ang nasa House Committee on Rule para sa consolidation para sa paghahanda sa plenary debate.
Paliwanag pa ni Barzaga dapat suportahan ang panukala dahil layon nito na protektahan ang economic interest ng local Filipino producers tulad ng tobacco farmers at local tobacco companies na nakadepende lamang sa bawat isa upang magkaroon ng malinis at tapat na kita.
Kung wala umanong anti-trust law ay magbibigay daan lamang ito sa malalaking negosyante na manipulahin ang presyo, kontrolin ang supplies, diktahan ang budget ng gobyerno sa pamamagitan ng buwis at matibay na lobbying power upang isulong ang kanilang economic interests.
Ayon naman kay Oriental Mindoro Rep. Reynaldo V. Umali, na siyang author ng sariling bersyon ng anti-trust law sa pamamagitan ng House Bill 4479, layunin nito na i-promote ang free at air competition upang magkaroon ng transparency at fair pricing sa elektrisidad.