MANILA, Philippines - Bumaba ang bilang ng mga mahihirap o ‘yung nasa class E na naninigarilyo dahil umano sa sin tax law.
Ayon kay Dr. Ivanhoe Escartin, DOH director ng National Center for Health Promotion, indikasyon nito na tama lamang ang tinatahak na direksiyon ng pamahalaan upang tuluyan nang mabawasan ang mga naninigarilyo.
Sa survey ng SWS na kinomisyon ng DOH, ang dating 38% ngayon 25% na lang. Umakyat naman sa 45 porsiyento ang nagpalit ng kanilang brand.
Umaasa ang DOH na mas bababa pa ang bilang ng maninigarilyo habang unti-unting nagmamahal ang sigarilyo hanggang 2017.
Pagdating ng 2017 magkakaroon ng unitary tax increase kung saan pareho na ang presyo ng mura at mahal na sigarilyo. Patuloy pa rin ang kampanya ng DOH sa paglalagay ng mga larawang nakakatakot sa pakete ng mga sigarilyo.