Nora Aunor ‘di kasama sa National Artists Award

MANILA, Philippines - Wala ang pangalan ng aktres na si Nora Aunor sa listahan ng mga ginawaran ng pamahalaan ng parangal na National Artist.

Ipinahayag ng Malacañang ang pangalan ng anim na indibidwal na idineklara ni Pangulong Benigno Aquino III bilang National Artists of the Philippines matapos magpakita ng kahusayan sa kani-kanilang larangan.

Ang anim ay sina Cirilo Bautista (Literature), Alice Reyes (Dance), Francisco Feliciano (Music), Ramon Santos (Music), Francisco Coching (Visual Arts), at Jose Maria Zaragoza (Architecture, Design, and Allied Arts).

Ayon kay Presidential Communications Ope­rations Office Secretary Herminio Coloma, Jr. ang deklarasyon ay nakapaloob sa Proclamation Nos. 807, 808, 809, 810, 811, at 812  na nilagdaan at ipi­nalabas ng Pangulo noong Biyernes, June 20, 2014.

Samantala, tahimik naman ang Palasyo sa ilang kumukuwestyon kung bakit hindi nakasama si Nora Aunor sa mga napiling national artist.

Tumangging magkomento si deputy presidential spokesperson Abigail Valte ng tanungin kung bakit hindi nakasama sa mga kinilala si Nora Aunor.

“Hindi ko iyan masasagot ngayon. Hindi ako kasama sa deliberasyon sa pangulo hinggil sa pagkakaloob ng parangal na National Artist,” ani Valte.

Ang “Order of National Artists” ay sinimulan sa pamamagitan ng Proclamation No. 1001, s. 1972 kung saan kinilala ng gobyerno ang mga mamamayan na nagpapakita ng kahusayan sa Philippine Arts at Letters.

 

Show comments