MANILA, Philippines - Bumuo na ang Department of Justice (DOJ) ng 3-man team na magsisiyasat sa mga nagaganap na anomalya sa New Bilibid Prisons (NBP) matapos ang kontrobersiyal na pagpapagamot sa mga private hospital ng mga high profile convicts.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, partikular na tututukan ng panel ang laganap na pagbibigay ng special o VIP treatment sa mga high profile inmate sa Bilibid at mga opisyal na kasabwat ng mga convicts.
Aalamin din ng 3-man team ang pagkakaroon ng umano’y talamak na operasyon ng bawal na droga sa bilibid, kubol system at maraming iba pa.
Kamakalawa ay sinibak na ni de Lima ang dalawang doctor at head guard ng NBP dahil sa pagpapahintulot na makalabas ng NBP si Ricardo Camata na convicted drug lord at makapagpaospital sa Tondo kung saan siya ay dinalaw ng starlet na si Krista Miller at dalawa pang babae.
Nabunyag din na daÂlawa pang high-profile inmates na sina Amin Buratong, convicted druglord at Herbert Colangco, pinuno umano ng isang robbery gang, ang nabigyan ng emergency referral para makapagpagamot sa mga pribadong ospital sa labas ng NBP.
Dagdag ni de Lima, mahigpit ang kautusan ng DOJ na kailangan na humingi ng permiso sa Kawanihan bago payagan na makalabas ng NBP ang sinumang convict na nais na magpagamot sa ibang ospital.