MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasa kritikal na kondisyon nang pagsasaksakin at pagbabarilin ng kanilang mga kainuman sa Malate, Maynila kahapon ng madaling araw.
Kasalukuyang ginagamot sa Ospital ng Maynila ang mga biktimang sina Richard Dela Passion, 19; Jonathan Adres, 22 at Eduardo Ferreras, 36.
Pinaghahanap naman ang suspek na nakilala lamang sa pangalang Melvin Pilapil, alyas Bilog, ng Gonzalo St., Malate at mga kasama nito na tumakas matapos ang insidente.
Sa report ni Supt. Joselito Disesto, ng Manila Police District (MPD)-Station 9, dakong ala-1:15 ng madaÂling araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng San Isidro at F. Muñoz Sts., Malate, Manila.
Nauna rito, nag-iinuman sina Passion at Pilapil at mga barkada nito nang di magkaintindihan sa kanilang kuwentuhan na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa naglabas ng patalim si Pilapil at saksakin si Passion.
Naglabas din ng baril ang kasama ni Pilapil at nagpaputok na nagresulta sa pagkakabaril kina Adres at Ferreras.
Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspek habang ang mga biktima ay isinugod sa ospital.