MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang na may nilabag na batas ang estudyanteng si Emmanuel Pio Mijares ng sigawan nito si Pangulong Benigno Aquino III habang nagtatalumpati ito sa pagdiriwang ng 116th independence day noong Huwebes sa Naga City kaya ito kinasuhan .
Sinabi ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., hindi naman gumagamit ng mabigat na kamay sa mamamayan ang gobyerno na nagpapahayag lamang ng kanilang saloobin pero sa pagkakataong may nilabag na batas o alituntunin ay dapat kaharapin ito.
Kinasuhan ng public disturbance, alarm scandal at assault ng Naga police si Mijares na 3rd year psychology student ng Ateneo de Naga dahil sa pagladlad nito ng banner na “Oust PNoy†kasabay ang pagsigaw ng “walang pagbabago sa rehimeng Aquinoâ€habang nagtatalumpati si Pangulong Aquino sa stage ng Quince Martires plaza noong Huwebes sa Naga City.
Ipinakain umano ng mga pulis kay Mijares ang telang bitbit nito na naglalaman ng mga katagang ‘Oust PNoy†habang ito ay nasa custody ng pulisya.
Mismong si Mijares ang nagbunyag kahapon sa press conference sa Lower House na ipinakain sa kanya ng mga umarestong pulis ang banner na kanyang dala.
Dinampot ng mga pulis at PSG personnel si Mijares at dinala sa Naga police headquarters kung saan ay ilang oras itong ikinulong bago kinasuhan sa piskalya.
Mismong si PNP Chief, Dir. Gen. Alan Purisima ay sumugod sa Naga police matapos makaalis si Pangulong Aquino sa event upang personal na alamin ang isasampang kaso sa estudyante.
Nagpiyansa ng P8,000 si Mijares na miyembro ng Anakbayan at Kabataan Partylist para sa kanyang pansamantalang kalayaan noong Biyernes.