3 ‘pork’ senators pwede pang kumandidato

MANILA, Philippines - Maari pang tumakbo sa darating na 2016 elections ang tatlong senador na nahaharap sa mga kasong plunder at graft sa Sandiganbayan.

Paglilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Atty. Sixto Brillantes, maaari pa ring tumakbo sa 2016 national polls sina Senators Juan Ponce Enrile, Ramon Revilla Jr. at Jinggoy Estrada hanggat wala pang final conviction sa mga kasong kinasasangkutan kaugnay sa pork barrel scam.

Sakali namang may final conviction na sila at naisapinal na, saka lamang sila madidiskwalipika.

Ang sinumang akusado na walang pang final conviction ay itinuturing pa umanong inosente tulad ng tatlo, kahit sila ay mabilanggo.

Sa kasalukuyan, sina Enrile, Revilla at Estrada ay nasa kanilang ikalawang consecutive terms na bilang miyembro ng Senado.

Sa ilalim ng Konstitusyon, hindi na pinapayagan ang tatlo na tumakbo sa ikatlong termino sa Senado subalit sa ibang posisyon ay maari.

Una nang inianunsyo ni Estrada na handa siyang maging running mate ni Vice President Jejomar Binay sa 2016 presidential elections habang si Revilla naman ay ikinukonsidera bilang standard bearer ng Lakas-Christian Muslim Democrats sa nalalapit na halalan.

 

Show comments