MANILA, Philippines - Nadismaya ang PNP-Anti-lllegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) sa ibinulgar ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na nagagawang maglabas masok ni convicted drug lord Amin Imam Boratong sa maximum security ng National Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Sr. Supt Bartolome Tobias, Chief ng PNP-AID-SOTF, nararapat lang na paimbestigahan ng DOJ ang nasabing bulok na sistema na umiiral sa NBP upang mapahinto na ang nasabing katiwalian.
Naghihinala naman ang ilang opisyal sa Camp Crame na nagkakaroon ng lagayan sa NBP kaya nagkakaroon ng VIP treatment sa nasaÂbing convicted drug lord at posibleng isa lamang itong ‘tip of the iceberg’ sa mga iregularidad sa nasabing piitan.
Ayon kay Tobias, nakapagtataka at nagagawang makapaglabas masok ni Boratong sa NBP sa kabila na ito ay isang convicted na drug lord na nasa likod ng nalansag na shabu tiangge sa Pasig City gayong walang court order upang umano’y magpagamot ito.
Nagyayabang pa umano si Boratong na malawak ang kanyang koneksiyon sa NBP at kung gugustuhin niyang tumakas ay magagawa niya ito.
Samantala bukod kay Boratong ay nais ring ipasilip ng PNP-AIDSOTF sa Department of Justice ang kilos at galaw ng iba pang mga nakakulong na drug convicts sa pambansang piitan.
Sinabi ni Chief Inspector Roque Merdeguia, hepe ng Legal and Investigation Division ng PNP-AID-SOTF, nakikipag ugnayan na sila sa DOJ sa kaso ng paglabas masok sa NBP ni Boratong.
Inihayag ni Merdeguia na naghihinala ang kanilang tanggapan na mayroon ring nangyayaÂring special treatment sa iba pang mga big time prisoners dahil malayang nakakagamit ang mga ito ng kanilang mga gadgets tulad ng mga cellphones at iba pa.
Sa katunayan, ayon pa sa opisyal ng magsagawa sila ng inspeksyon sa maximum security cell ng NBP ay isang Chinese drug lord na nakapiit dito ang nakita nilang naka-laptop pa.