Alert level 3 itinaas ng DFA Mga Pinoy sa Libya pinalilikas

MANILA, Philippines - Dahil sa pagtaas ng alerto bunsod ng tumataas na karahasan sa Libya, umapela kahapon si Vice President Jejomar Binay sa libu-libong Pinoy sa Libya na magsilikas at umuwi na sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Binay na delikado pa ang sitwasyon sa Libya at naka­handa ang Embahada para tulungan ang mga Pinoy na makabalik sa bansa.

Ang panawagan ni Binay ay kasunod sa pagpapatupad ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng crisis alert level 3 (vo­luntary repatriation phase) sa Libya.

Sa ilalim ng alert level 3, hinihimok ang mga may 13,122 Pinoy sa Libya na boluntaryong magsilikas sa Libya na popondohan ng gobyerno. Pinagbabawalan din ang mga Pinoy na tumungo at magtrabaho sa Libya.

Ayon sa DFA, matapos ang deklarasyon ng pamahalaan na itaas sa crisis alert level voluntary phase para sa may mahigit 13,000 Pinoy ay agad na nagpa-rehistro ang 51 sa kanila sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli upang umalis sa Libya.

Ang Philippine Embassy sa Libya ay matatagpuan sa KM 7 Garga­resh Road, Abu Nawas, Tri­poli. Maaring tumawag sa kanilang hotline (+218) 918244208, telephone number (+218-21) 483-3966, at opisyal na e-mail addresses: tripoli.pe@gmail.com; tripoli.pe@dfa.gov.ph.

 

Show comments