26M mag-aaral papasok ngayon

Handa na ang mga guro sa isang paaralan sa Maynila para i-welcome ang kanilang mga estudyante na magbabalik-eskwela ngayong araw. EDD GUMBAN  

MANILA, Philippines - Handa na ang Department of Education (DepEd) sa tinatayang 26-milyong mag-aaral sa bansa na magbabalik-eskwela ngayong  Lunes.

Ayon kay DepEd Secretary Armin Luistro, wala na silang inaasahang magaganap na malaking problema ngayong araw dahil unti-unti na nilang naisaayos ang mga na­ging suliranin noong mga nakalipas na taon, tulad ng kakulangan ng mga silid aralan, libro, mesa at mga upuan.

One-is-to-one na rin anya ang mga upuan at libro kada estudyante.

Ipinag-utos na rin ni Luistro ang ‘Day One, Lesson One’ upang matiyak na walang masasa­yang na araw para matuto ang mga mag-aaral.

Aniya, ang rason kaya nagdaraos sila ng early enrolment at Brigada Eskwela ng mas maaga ay upang matiyak na hindi na makakais­torbo ang mga naturang aktibidad sa unang araw ng klase.

Dapat aniyang pagpasok ng mga estudyante sa unang araw ay agad na maturuan ng kanilang mga guro sa kani-kanilang mga asignatura.

Ang DepEd ay nagpapatupad ng 20 day “buffer” para sa mga school activities at mga suspension ng klase sa panahon ng mga kalamidad.

 

Show comments