Kinumbinsi ni Erap Ejercito bumaba na sa pwesto
MANILA, Philippines - Bumaba na sa kanyang pwesto si dating Laguna Gov. ER Ejercito at nilisan ang kapitolyo kahapon matapos makumbinsi ng kanyang tiyuhin na si dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada.
Si Ejercito ay sinundo kahapon ng umaga ni Erap na dumating sa kapitolyo lulan ng aircraft dakong alas-9.
Sa kanilang close door meeting, nakumbinsi ni Erap ang pamangkin na sumama na muna sa kanya at hintayin ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa kanyang apela.
Ang ginawa ni Estrada ay para anya sa katahimikan at kapayapaan ng Laguna.
Nagkaroon ng tensyon sa kapitolyo kasunod ng diskwalipikasyon ng Commission on Elections (Comelec) kay Ejercito dahil sa overspending na sinundan ng panunumpa ni Vice Gov. Ramil Hernandez para humalili sa kanya.
Matapos nito, nagpalabas ang Comelec ng writ of execution na nag-uutos na palitan na si Ejercito. Sa kabila ng utos, nananatili sa binarikadahang kapitolyo ang dating gobernador. Iniapela naman nito sa Korte ang desisyon ng poll body.
Sa talumpati ni Estrada, ipinagtaka nito ang pagbubukod-tangi at tila pagkakaisang ginawa laban sa pamangkin.
Ayon sa alkalde, marami sa mga kumandidato “mula sa baba at dun sa kataas-taasan†ang sumobra ng gastos at hindi lamang si ER ngunit bakit ito lamang anya ang pinuntirya.
Ani pa ni Erap, puwede siyang bumalik sa pwesto matapos ang dalawang taon, sakaling hindi pumabor sa kanya ang SC.
Pumayag naman ang inalis na gobernador sa panawagan ng tiyuhin ngunit tuloy anya ang laban.
Sa Hunyo 17 anya nakatakdang maglabas ng desisyon ang SC.
Sinabi naman ni Laguna Provincial Director P/Sr. Supt. Romulo Sapitula, normal na ang sitwasyon sa lalawigan matapos na magsialis na rin sa provincial capitol ang mga supporters nina Ejercito at Hernandez.
- Latest