MANILA, Philippines — Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Crisi Alert Level 3 sa Libya dahil sa patuloy na paglala ng sitwasyon sa naturang bansa.
Sa naturang alert level, hinihimok ang mga Pilipino na nasa Libya na boluntaryong lisanin ang magulong bansa, kung saan may tinatayang 13,122 na mga Pinoy.
"Under Crisis Alert Level 3, Filipinos in Libya are encouraged to leave the country voluntarily as soon as possible. The Philippine government will shoulder the repatriation cost," sabi ng DFA.
Nananatiling magulo sa malaking bahagi ng Libya kasunod ng civil war noong 2011, dahil sa pagbuo ng mga militia ng mga rebeldeng nagpatalsik noon sa diktador na si Moammar Gadhafi.
Nitong Miyerkules lamang, hinamon ni interim prime minister Abdullah al-Thinni ang pag-upo ng kanyang kapalit, dahilan ng pagputok ng panibagong gulo sa bansa.
Ayon sa DFA, nagtungo si Secretary Albert del Rosario sa Tripolo noong Mayo 28 upang makipagpulong sa mga opisyal ng embahada ng Pilipinas at ang rapid response team ng bansa upang ikasaang isang contingency plan.
Hinimok ng DFA ang mga Pilipino na nasa Libya na agarang tumawag sa embahada ng Pilipinas sa Tripolo upang magpasundo.
Ang embahada ng Pilipinas sa Tripolo ay makikita sa KM 7 Gargaresh Road, Abu Nawas, Tripoli. Maaaring tumawag sa embahada sa:
Hotline number: (+218) 918244208
Telephone number (+218-21) 483-3966
E-mail: tripoli.pe@gmail.com; tripoli.pe@dfa.gov.ph.