Phl, Indonesia nagkasundo sa territorial boundaries

MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang dekadang negosasyon, nagkasundo na ang Pilipinas  at Indonesia kaugnay sa pagtatakda ng kanilang territorial boundaries.

Nilagdaan kahapon sa pagitan ng pamahalaan at Indonesia ang isang kasunduan sa Delimitation of the Exclusive Economic Zone (EEZ) Boundary sa kasagsagan ng pagbisita sa bansa ni Indonesian President Susilo Bambang Yudhoyono.

Nagsilbing kinatawan ng Pilipinas si Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario habang kinatawanan ni Indonesian Foreign Minister Dr. R.M. Marty M. Natalegawa ang kanilang bansa sa paglagda ng kasunduan sa isang seremonya sa Malacañang na sinaksihan nina Pangulong Aquino at President Yudhoyono.

Kabilang sa kasunduan ang annexed charts na nagpapakita ng EEZ Boundary ng Pilipinas at Indonesia sa Mindanao Sea at Celebes Sea sa katimugang bahagi ng Pilipinas at sa Philippine Sea sa southern section ng Pacific Ocean.

Ang nasabing agreement ay bunga umano ng 20 taong negosasyon upang malimitahan ang overlapping ng EEZs ng dalawang bansa.

Nakamit ang kasunduan ng Phl at Indonesia sa EEZ Boundary alinsunod sa international law kabilang na ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa state practice at decisions ng international tribunals sa maritime boundary delimitation.

Ito ang kauna-unahang maritime boundary treaty ng Pilipinas.

Show comments