MANILA, Philippines - Matapos ang ibinabang diskuwalipikasyon ng Commission on Elections (Comelec), dumulog naman sa Korte Suprema si Laguna Governor ER Ejercito para mapigilan ito.
Sa 22-pahinang petisyon, hiniling ni Ejercito sa Supreme Court (SC) na magpalabas ng temporary restraining order (TRO), status quo ante order o writ of preliminary injunction sa katwirang may pag-abuso o grave abuse of discretion sa panig ng election body.
Matatandaang sa botong 7-0, tuluyan nang dinisqualify ng Comelec ang gobernador dahil sa sobrang paggastos sa nakaraang halalan.
Paliwanag ng Comelec, umabot umano sa P23.5 milyon ang ginastos ni Ejercito gayong P4.5 milyon lamang ang itinakdang limit ng komisyon.
Ayon kay Comelec Commissioner Sixto Brillantes, may hanggang Lunes, Mayo 26 si Ejercito para makakuha ng paborableng kautusan mula sa SC.
Bukas din anya silang bigyan ito ng hanggang Martes, Mayo 27 dahil ito ang karaniwang araw ng sesyon ng mga mahistrado.
Gayunman, sakaling mabigo ang gobernador sa hirit sa SC, sinabi ni Brillantes na magsusumite na sila ng writ of execution sa Department of the Interior and Local Government at ang pulisya ang magpapatupad nito.