MANILA, Philippines - Hindi pinagbigyan ng Korte Suprema ang kahiliÂngan ni Senador Jinggoy Estrada na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagdinig ng Ombudsman sa kinakaharap na kasong plunder kaugnay sa kontrobersiyal na pork barrel scam.
Sa halip, binigyan ng Kataas-taasang Hukuman ng 10 araw ang Ombudsman, National Bureau of Investigation at Atty. Levito Baligod na maghain ng paliwanag o komento sa petisyon ni Estrada.
Nais munang matukoy ng mga mahistrado ang mga batayan sa pag-usad ng kaso laban sa batang Estrada.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Estrada na ang reklamo laban sa kanya ay bahagi lamang ng pamumulitika sa hangad na siraan ang oposisyon kung saan siya ay kabilang.
Kasama rin sa mga hiniling ni Estrada sa Korte Suprema ay ang atasan nito ang Ombudsman na bigyan siya ng kopya ng mga dokumento na may kinalaman sa kanyang kaso.
Naniniwala ang senador na nilabag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang sariling Rules of Procedure ng Ombudsman, pati na ang Rule 112 ng Rules of Court at Article 3 ng Konstitusyon nang ipalabas nito ang resolusyon na nagbasura sa hiling ni Estrada na mabigyan siya ng kopya ng mga affidavit hinggil sa kasong plunder na inihain laban sa kanya.
Gayunman, nitong May 8, 2014 ay binigyan na rin ng Ombudsman ng kopya ng mga hinihinging dokumento si Estrada at inatasan ang senador na magsumite ng komento hinggil sa nasabing mga affidavit sa loob ng limang araw.