MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng mga broadcaster na sina Korina Sanchez at Mike Enriquez na nakatanggap sila ng cash gift mula sa itinuturong mastermind ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Lumutang ang pangalan nina Sanchez at Enriquez sa isang ulat ng pahayagan na nanggaling umano ang listahan sa whistle-blower na si Benhur Luy.
Nakasaad sa ulat na tumanggap ang dalawang mamamahayag ng P50,000 bilang “birthday gift†na pinadaan sa isang Mon Arroyo na dating direktor.
Kaugnay na balita: ABS-CBN bumanat sa 'pork' report ng Inquirer
Inamin ni Enriquez na kilala niya si Arroyo ngunit sinabing matagal na silang hindi nagkikita ng dalawa. Ganun din ang naging pahayag ni Sanchez.
"Madaling kumalikot ng kahit anong papel, ng kahit anong dokumento. Madaling magdagdag, madaling magbawas," reaksyon ni Enriquez ayon sa isang ulat ng GMA7.
"Labag 'yan sa standards ng GMA. At 'pag nagbigay ka ng ganyang halaga sa isang taga-media, hindi regalo 'yan. Suhol 'yan. Kahit paano mo balik-baliktarin 'yan," dagdag niya.
Ayon sa ulat ng STAR sinabi ng abogado ni Napoles na si Bruce Rivera na walang miyembro ng media ang nakinabang sa pork barrel scam.