MANILA, Philippines - Mariing kinondena ng militanteng grupong Kilusang Mayo Uno ang pamunuan ng Bureau of Internal Revenue dahil sa pinaka bagong kampanya ng ahensiya hinggil sa pagkolekta ng buwis sa mga marginal income earners (MIEs) na nagpapalubha lamang anya sa kabuhayan ng mga maliliit na manggagawang Pilipino.
Ayon kay Roger Soluta, secretary-general ng KMU, ang MIEs na kabibilangan ng maliliit na magsasaka, mangingisda, tricycle drivers, may ari ng maliliit na karinderia at sari-sari stores ang target ng kampanyang ito ng BIR na hindi napagkakalooban ng disenteng trabaho ng pamahalaan.
Sa ilalim ng BIR Revenue Memorandum Circular 7-2014 ang naturang mga manggagawa na kumikita ng P100,000 o mababa pa dito sa loob ng 12 buwan ay dapat magrehistro sa BIR para makapagbayad ng tamang buwis at makapag-isyu ng resibo at sales invoices.
Sinabi ni Soluta, hindi dapat ang mga taong ito ang tumbukin ng pamahalaan sa pagbubuwis kundi ang mga nasa puwesto na sangkot sa pork scam at ang mga taong mayayaman na hindi nagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.