MANILA, Philippines - Naglabas na ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ng Implementing Rules and Regulations (IRR) kaugnay ng Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Sinabi ni DOTC Secretary Jun Abaya na wala silang sasantuhing sinuman sa pagpapatupad ng naturang batas dahil buhay ng tao ang nakasalalay dito.
Aniya pa, maraming buhay na ang nabuwis dahil sa pagmamaneho ng lasing o lango sa droga kaya’t panahon na upang matuldukan ang problema.
Dahil sa paglalabas ng IRR ay maaari nang simulan ng mga law enforcers ang pagpapatupad ng RA 10586.
Sinumang sisitahin dahil sa paglabag sa batas trapiko ay isasailalim sa Eye Test o horizontal gaze nystagmus kung saan susundan ng mata ang bagay na ipapakita ng law enforcer; Walk-and-Turn Test kung saan palalakarin ng siyam na hakbang sa tuwid na linya at One-Leg Stand kung saan nakatayo sa isang paa sa loob ng isang minuto.
Sa sandali umanong mabigo ang driver sa isa sa naturang pagsusuri ay isasailalim ito sa Alcohol Breath Analyzer Test upang matukoy ang alcohol level sa katawan nito.
Sakali namang pumasa sa pagsusuri ang driver, dadakpin lamang ito sa kanyang nagawang traffic violation at hindi dahil sa paglabag sa RA 10586.
Ang paglabag sa naturang batas ay may katumbas na parusang pagkabilanggo ng mula tatlong buwan hanggang 20-taon at multang mula P20,000 hanggang P500,000.
Kaakibat rin nito ang 12-month suspension ng non-professional driver’s license para sa first offense, at perpetual revocation sa ikalawang paglabag.
Para naman sa mga may hawak ng professional driver’s license, ang unang paglabag pa lamang ay maaari nang magresulta ng perpetual revocation.