MANILA, Philippines - Matapos ang ilang linggong pagkatulala na halos hindi makatulog, unti-unti ng natatanggap ng modelong si Deniece Cornejo ang kapalaran sa makipot nitong kulungan sa Camp Crame.
Ayon sa source, nakakapag-adjust na si Cornejo sa loob ng temporary detention center nito sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group. Si Cornejo ay sumuko noong Mayo 5.
Sinabi nito na kung noong una ay hindi makausap at tulala si Cornejo ngayon ay panay na ang ehersisyo nito tuwing umaga sa loob ng detention center.
Nagagawa na rin nitong maglagay ng makeup at madalas na ring nakikipagkuwentuhan sa mga kapwa detainee. Bumigat na rin ang timbang ni Cornejo o medyo tumaba na. Hindi rin umano kasi pihikan si Cornejo, sa katunayan ay kumakain umano ito ng palitaw, empanada at ginataang mais at madalas ring ilibre ang mga kapwa babaeng detainee.
Kapag wala itong kausap ay palaging may nakalagay na headset sa taynga at nakikinig ng musika.
Kabilang sa madalas na bumisita kay Cornejo ay ang kaniyang lola Florencia.
Nabatid naman kay PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong, nagpahatid ng abiso ang piskalya ng Taguig City Regional Trial Court na bibisitahin ang detention center na kinalalagyan ni Cornjeo upang makita ang sitwasyon ng kalagayan nito sa piitan.
Magugunita na naghain ng mosyon ang kampo ni Deniece na manatili na lamang ito sa CIDG kaysa mailipat ito sa Taguig City Jail.