Recall vs Bulacan gov. may linaw
MANILA, Philippines - Namiminto na ang recall election laban kay Bulacan Governor Wilhemino Sy-Alvardo makaraang pagpasyahan ng Commission on Elections na ipagpatuloy ang pagberipika at pagrepaso sa recall petition na isinampa laban sa kanya.
Ginawa ng provincial Comelec ang desisyon makaraang ideklara ng Bulacan Regional Trial Court na merong awtoridad at hurisdiksyon ang Comelec na hawakan ang mga usaping panghalalan kabilang ang petisyong humihiling na tanggalin sa puwesto si Alvarado.
Sinasabi ng Comelec na sapat na ang form at substance ng petition for recall laban kay Alvarado. Isinumite ni Provincial Election Supervisor (PES) Atty. Elmo T. Duque ang resulta ng kanyang pagsusuri sa Executive Director for Operations (ODEDO) ng Comelec.
Magbubunsod ang resultang ito sa proseso ng pagberipika at pagrepaso ng Comelec sa recall petition na isinampa ni Perlita G. Mendoza bilang petitioner laban sa gobernador.
Ikinakatwiran ng petitioner na nawalan na sila ng kumpiyansa sa gobernador dahil sa umano’y mga katiwalian. Lumagda sa petisyon ang 319,707 Bulakenos na kumakatawan sa mahigit 10 porsiyento ng populasyon ng lalawigan ng Bulacan na isang rekisitos sa proseso sa recall election.
Naghabol si Alvarado sa Bulacan RTC Branch 22 para hilinging pigilin ng korte ang PES at ang Comelec-Bulacan sa pag-aksyon sa recall petition ni Mendoza pero tinanggihan ito dahil sa kawalan ng merito.
Sinasabi naman sa resolusyong isinulat ni Judge Grace V. Ruiz ng Branch 22 na ipinagkakait ang petition for prohibition dahil sa kakulangan ng hurisdiksyon at idiniin na ang isyung ito ay dapat lutasin ng Comelec.
- Latest