MANILA, Philippines - Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang kasong graft na isinampa laban kay dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng P78 million fertilizer fund scam.
Ayon kay Atty. Raul Lambino, chief of staff ni CGMA, dinismis ng Ombudsman noong May 2 ang naturang kaso dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya na magdidiin kay GMA.
Matatandaan na sa isinampang reklamo nina dating Solicitor GeÂneral Frank Chavez at iba pang grupo, iginiit ng mga ito na nagamit ang milyun-milyong pondo para sana sa fertilizer para sa mga magsasaka sa 2004 campaign ni GMA.
Sinabi ni Lambino na magkahalong tuwa at lungkot ang reaksyon ni Arroyo sa pagkakabasura ng kanyang kaso.
Natutuwa umano si GMA dahil wala naman talaga siyang kinalaman dito samantalang nalulungkot ito dahil masyadong nagamit sa pulitika ang nasabing kaso.
Anya, ang naturang kaso ay isang political persecution at paglabag sa karapatan ni Ginang Arroyo.
Sa kabila nito umaasa pa rin ang dating paÂngulo na maibabasura ang iba pang kinakaharap na kaso.