Napoles lalabas na sa OSMAK
MANILA, Philippines - Hinihintay na lamang ng kampo ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles ang discharge order nito para tuluyang lumabas mula sa Ospital ng Makati (OSMAK).
Sinabi ng abogado ni Napoles na si Atty. Bruce Rivera, hinihintay lamang nila ang discharge order mula sa pamunuan ng pagamutan.
Ayon kay Rivera, sa ngayon ay nasa stage of recovery na si Napoles at nakakaupo na ito bagama’t may nararamdaman pa rin itong bahagyang pagkirot ng kanyang tahi.
Base sa pinakahuling progress report ng OSMAK na isinumite noong nakaraang linggo sa Makati City Regional Trial Court Branch 150, kaugnay sa medical condition ni Napoles, sinasabing wala namang nakitang anumang komplikasyon sa operasyon at anumang araw at sa lalong madaling panahon ay maari nang i-discharge ito bagama’t walang pang itinakdang eksaktong petsa.
May iilan na lamang umanong test ang kailangan gawin kay Napoles tulad ng blood sugar nito at maari na itong ibalik sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa Laguna.
Matatandaan, na si Napoles ay inoperahan noong Abril 23 dahil sa nakitang bukol sa kanyang matris.
- Latest