MANILA, Philippines - Naniniwala si Sen. Cynthia A. Villar na malaki ang maitutulong sa paglago ng ekonomiya sakaling maisama sa high school curriculum ang aralin tungkol sa entrepreneurship.
Sa pagsasampa sa Senate Bill No. 147 o ang tinatawag na “Act Requiring the Inclusion of Entrepreneurship, nais ni Villar na gawin itong hiwalay na subject sa high school.
Sinabi ni Villar na entrepreneurship ang key driver ng ating ekonomiya, at batid niyang malaki ang potensiyal ng mga Pilipino na marating ang tugatog ng tagumpay sa pamamagitan nito.
Binigyan diin ng senadora na ang yaman ng bansa at karamihan sa ating malalaking negosyo ay nagsimula sa maliiit lamang na itinaguyod at pinagsikapan ng “entrepreneurially-minded individuals’.
Mas higit anya ang kakayahan ng sinumang may alam sa entrepreneurship na magamit ang kanyang creative freedoms. Nakatutulong din ito upang magkaroon sila ng malaking kumpiyansa sa sarili.
Sakaling maisama ang entrepreneurship sa pag-aaral ng mga high school students, makukuha nila ang mga benepisyong ito na magagamit para sa kanilang kinabukasan.
Sa ibang bansa, sinisimulan nilang ituro ang entrepreneurship sa elementary at ito ay bahagi ng kanilang curriculum hanggang sa makarating ng kolehiyo.
Subalit sa kanyang panukala, nais niyang mapabilang ito sa senior high school curriculum ng pribado at pampublikong paaralan.